Estudyanteng Nagtapos Bilang Cum Laude sa Ateneo De Manila, Proud na Siya ay Anak ng Isang Jeepney Driver

Nakakatuwang makita na sa panahon ngayon ay dumadami ang bilang ng mga estudyanteng nakakapagtapos ng pag-aaral sa kabila ng mahirap na estado sa buhay. Ito ay dahil na rin sa mga scholarship program ng gobyerno at ilang pribadong sektor gayun na din sa mga magulang na walang sawang sumusuporta sa pangarap ng kanilang mga anak.

Isang anak nga ng jeepney driver ang kamakailan lang ay nagbigay ng kasiyahan sa kaniyang mga magulang at inspirasyon sa mga kabataan matapos niyang tanghalin bilang Cum Laude ng kanilang klase sa prestihiyosong paaralan ng Ateneo de Manila.

Nakilala ang estudyante bilang si Reycel Hyacenth BedaƱa, isang iskolar at student council president ng Class 2019. Lumaki siyang mulat sa kahirapan at sa katunayan ay nakasama na sa mga transport strike sa edad na pitong taong gulang pa lamang.

Ganoon ang lakas ng loob at adhikaan ng dalaga para sumama sa mga rally dahil siya mismo ay naranasan ang malaking epekto ng hindi maayos na pasahod at pamamalakad ng gobyerno lalo na sa pagtaas ng mga bilihin at higit sa lahat ng gasolina. Isa kasing jeepney driver ang kanilang padre de pamilya kaya naman apektado ang kanilang budget sa araw-araw gayun na din ang kanilang tuition sa paaralan kapag tumaas ang presyo ng gasolina.

” For some, the rising price of gasoline means less profit. For my family, it meant skipping another meal; it meant mor debt and more promissory notes.”, pahayag ni Reycel sa isang interview.

Maliban dito ay nasaksihan rin niya kung gaano kahirap maging mahirap nang tanggihan ng tatlong hospital ang kaniyang lolang may malubhang karamdaman dahil lang wala silang maibigay na downpayment para sa pagpapagamot.

Habang ang kaniya namang lolo ay halos tumanda na bilang tenant ng isang lupa sa loob ng 60 taon ngunit ni minsan ay hindi siya nabigyan ng pagkakataon na ito ay mapasakanya dahil sa hindi maayos na land reform act.

Ang mga bagay na ito ang nag-udyok sa kaniyang magpursigi sa pag-aaral upang balang araw ay hindi niya lang maiahon sa hirap ang kaniyang mga magulang kundi magkaroon din siya ng malakas na boses para ipahayag ang hinaing at ipaabot sa gobyerno ang totoong nararanasan ng mga mahihirap.

Sa kabutihang palad ay naging iskolar siya ng nasabing Unibersidad at nakapagtapos siya ng kursong BA Management Economics ngunit nais niya ring kumuha ng master’s degree sa Humab Rights at Doctorate degree naman sa Peace and Conflict.

Sa kasalukuyan ay aktibo pa rin siyang sumasali sa mga rally at patuloy na sumisigaw sa pag-asang balang-araw ay mabibigyan din ng magandang tugon ang kanilang mga pinaglalaban.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *