Mano-manong Pinipinta at Idinidisenyo ng Isang Netizen ang mga Bayong Bags na Ito Upang may Pangsuporta sa Kaniyang Pagpapagamot

Napakahirap magkaroon ng sakit dahil hindi mo na nagagawa ng maayos ang mga hilig mo noong ikaw ay malakas pa o di kaya naman ay napupuntahan ang magagandang lugar na nais mong pasyalan. Maliban dito ay magastos din magkasakit sa panahon ngayon dahil sa mga mahal na bilihin kagaya na lamang ng gamot. Ganito ang nararanasan ngayon ng isang netizen matapos manghina ang kaniyang katawan at kinailangan niyang sumailalim sa dialysis treatment.

Nakilala ang nasabing netizen bilang si Tina Pamilar Sarmiento at mayroon siyang angking talento sa pagpipinta.

Kamakailan lamang ay naging viral siya sa social media matapos niyang ibahagi ang ilan sa kaniyang mga obra sa Facebook page na Guhit Pinas.

Kasabay ng nasabing post ang paghingi niya ng tulong sa ibang netizen na tangkilikin ang kaniyang mga gawa dahil malaking tulong ito para sa kaniyang regular na dialysis treatment gayun na rin sa kaniyang mga maintenance na gamot.

“Pwede po ba magpromote ng artpage ko po? Dito ko o sinesell mga paintings ko para pandagdag po sa dialysis treatment at maintenance ko po.” caption ni Tina sa kaniyang Facebook post.

Malaki-laki rin kasi ang kinakailangan halaga sa pagpapagamot ni Tina kaya naman naghahanap siya ng ibang mapagkakakitaan upang hindi siya gaanong maging pabigat sa kaniyang pamilya. Patuloy na lumalaban sa buhay si Tina at nakakatulong sa kaniyang magandang recovery ang makulay na pagpinta sa mga bayong.

Makikita sa kaniyang mga disenyo ang iba’t ibang mukha ng isang babae at mayroon din itong mga bulaklak na kasama.Talaga namang magaganda ang likhang kamay ni Tina at dahil sa pagiging-viral ng kaniyang Facebook post, maraming netizen ang nagpa-abot ng kanilang tulong upang magtuloy-tuloy ang kaniyang gamutan.

Para naman sa mga nais na makita ang iba pa niyang gawa o di kaya naman ay nais na makatulong sa kaniyang maliit na negosyo, maari niyo siyang padalhan ng mensahe sa kaniyang Facebook account o di kaya naman ay sa Facebook page niya na CAPSArtsandCrafts.

Tunay ngang nagiging magaan ang isang pasanin kung mayroon kang katuwang sa pagbubuhat nito. Nawa ay tuluyan ka nang gumaling Tina at patuloy na maging inspirasyon sa ibang tao na ipakita ang kanilang talento anuman ang estado nila sa buhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *