Nakakatouch na Hinahayaang Patulugin ang mga Pulubi na Walang Tahanan sa Isang Simbahan na Ito

Ang simbahan ay madalas na dinarayo ng mga tao para manalangin, mag-puri o di kaya naman ay mag-aral at makinig ng salita ng Diyos. Ngunit isang simbahan sa San Francisco ang kamakailan lang ay pinag-usapan ng napakaraming tao dahil dinarayo rin ito ng mga pulubi para doon sila matulog at makapag-pahinga ng maayos.

Ang nasabing simbahan ay nakilala bilang St. Boniface Church at mayroon itong proyekto na tinatawag nilang “The Gubio Project”. Hango di umano ito sa isang bayan sa Italy kung saan gumawa ng peace agreement si St. Francis sa pagitan ng mga gutom na lobo at takot na mga mamamayan. Ang proyektong ito ay naitatag noong 2004 sa pangunguna nina Father Louise Vitale at Shelly Roder, isang aktibista.

Ayon sa website ng “The Gubio Project”, umaabot sa 225 katao na walang matirhan ang bumibisita sa nasabing simbahan simula Lunes hanggang Biyernes at nag-uumpisang magdagsaan ang mga tao sa lugar na ito simula ala-sais ng umaga.

Ayon naman sa pamunuan ng simbahan, hindi nila kilala ang bawat isa sa mga taong nagtatamasa ng benepisyo ng nasabing proyekto dahil wala naman silang papel na kailangang pirmahan bago makapasok at makitulog. Sa katunayan ay bukas na bukas ang pintuan nito para sa mga taong nangangailangan ng matutuluyan.

Maliban sa espasyo na ipinapahiram ng simbahan ay mayroon din silang nakalaan na mga higaan,unan at kumot para masiguradong maayos na makakapagpahinga ang mga tao. Habang tumatagal ay padami ng padami ang mga nais makitulog sa simbahan at kasabay rin nito ang pagdami ng mga mabubuting tao na handang sumuporta sa nasabing programa. Ito ang dahilan kung bakit maliban sa maayos na higaan ay nabibigyan na rin nila ng iba pang pangangailangan ang mga pulubi kagaya na lamang ng mga medyas panlaban sa lamig at maging mga gamit sa pagligo at pagsisipilyo ng ngipin.

Layunin di umano ng programa na ipakita sa buong mundo na hindi natin dapat ituring na iba ang mga kapwa natin na kapus-palad at walang matirahan kundi ay kalingain at tulungan natin sila sa abot ng ating makakaya dahil ito naman talaga ang mensahe ng Mabuting Balita ng Panginoon – ang abutin ang mga nangangailangan at ipakilala sa kanila ang Poong Maykapal na siyang tunay na nagmamahal at kumakalinga sa atin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *