Netizens, Tinulungan ang Isang Matandang Tindero na Nagtitinda ng mga Bulaklak gawa sa bote ng softdrinks!

Matagal na panahon na rin ang lumipas ngunit patuloy pa ring nakakaranas ng kahirapan ang ilan sa ating mga kababayan. Ito marahil ay dahil sa kawalan ng pagkakitaan o di kaya naman ay kawalan ng ideya at abilidad para kumita ng kanilang ikabubuhay.

Kapansin-pansin nga na mas lalo pang naging mahirap ang kanilang sitwasyon dulot na rin ng pinagdadaanan nating krisis sa ekonomiya bunsod ng hinaharap nating pandemya.



Ngunit sa kabila nito ay nakakatuwang makita at marinig ang mga positibong balita patungkol sa mga taong hindi nagpapatalo sa hamon ng buhay at patuloy na gumagawa ng paraan para makaraos sa araw-araw.

Image courtesy: Vella Tacusalme/facebook

Isa na nga dito ang matandang tindero na kamakailan lang ay naging viral sa social media matapos ibahagi ng dalawang netizens ang kaniyang kwento. Nakilala siya bilang si Manong Michael at ayon sa netizen na si Vella Tacusalme, madalas niyang makita ang matanda na nakaupo sa labas ng Tarlac West Central Elementary School na matatagpuan sa San Roque, Tarlac City.

Image courtesy: Vella Tacusalme/facebook

Nakasuot ng sumbrero at facemask si Manong Michael habang matiyagang nag-aantay sa sinumang dadaan na makakapansin sa kaniyang mga paninda. Katabi nito ang matitingkad na bote ng softdrinks na ginawa niyang mukhang bulaklak na maaring ipang-display sa loob ng bahay.

Mayroon ring karatula sa gilid nito na naglalaman ng mga impormasyon at presyo ng kaniyang mga ibinebenta.

Image courtesy: Vella Tacusalme/facebook

“Share ko lang habang naglalakad kami pauwe ng ate ko may napansin kaming isang matandang lalaki na matiyagang naghihintay na may makapansin at bumili ng kaniyang mga tinda ngunit wala ni isang lumalapit sa kanya kaya naisipan naming magtanong kung ano ang mga binebenta nito na kulay NEON! Kaya bumili kami ng iilan sa kanyang gawa pero alam ko hindi yun sapat kaya naman sa simpleng post na to ay naisipan kong tulungan siya.” pagkukwento ng netizen na nakakita sa matanda.



“Itong si Manong Michael na nagbebenta ng kaniyang sariling likha na gamit ang mga bote ng softdrinks dahil sa kanyang malikhaing isip nakabuo siya ng pwedeng pagkakitaan sa gitna ng pandemya at pinangalanan niyan OAO busines stands for ONE AND ONLY!”

Image courtesy: Vella Tacusalme/facebook

Batid ni Vella at ng kaniyang kasama na hindi sapat ang kanilang tulong sa matanda kaya naman minabuti nilang ibahagi ang naging karanasan sa social media sa pag-asang makakatulong ito para mas dumami ang mga taong makakapansin kay Manong Michael at sa kaniyang mga obra maestra. Hindi nga sila nabigo at mayroong ilang netizens na malapit sa nasabing paaralan ang nagkomento na pupuntahan nila ang matanda upang bumili ng kaniyang mga paninda.

Image courtesy: Vella Tacusalme/facebook
Image courtesy: Vella Tacusalme/facebook

Samantala, ang ilan naman ay tumulong sa munting paraan ng pagbabahagi ng kwento ni Manong Michael sa kanilang Facebook account at ang ilan ay nagkomento rin ng #kmjs at #raffytulfo para mapansin ito ng mga programa na tumutulong sa ating mga kababayan na nahihirapan.

Image courtesy: Vella Tacusalme/facebook

Sadya ngang mahirap kumita ng pera sa panahon ngayon. Ganoon pa man, maraming kapamaraanan ang pwede nating gawin upang kahit papaano ay makakain tayo sa loob ng isang araw. Sipag at determinasyon ang madalas na maging solusyon dito ng karamihan ngunit malaking tulong rin ang naibibigay ng ating kapwa upang mabigyan tayo ng oportunidad para kumita.



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *