Paaralan sa Isabela, Nagsagawa ng House-to-House Mobile Graduation

Nagsagawa ng kauna-unahang mobile graduation rites ang lungsod ng Cauayan sa Isabela. Nitong Mayo 13, ibinahagi ng isang netizen ang kanyang natunghayan kung saan nagsagawa ng mobile graduation ang Cauayan City East Central School. Hinangaan ng mga netizen ang pamamaraan ng paaralan dahil sa pagbibigay ng suporta sa mga mag-aaral na tatanggap ng kanilang certificate at awards.

Dahil sa banta ng COVID-19 sa bansa, ipinatigil ang mga pagtitipo-tipon upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus. Nalungkot ang mga mag-aaral kahit mga magulang dahil hindi sila makakapunta ng stage upang tanggapin ang diploma at magsabit ng medalya. Kaya nagpulong ang DepEd Cauayan City at gumawa sila ng paraan kung paano maipamimigay ang mga awards at certificate sa mga mag-aaral.

 

Sa pamamagitan ng Virtual Mancom ay napagdesisyonan nina Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Supt. ng DepEd Cauayan City at kanyang mga kasamahan na magsagawa ng mobile graduation. Sa mga larawan makikitang nagset-up ang paaralan ng improvised stage gamit ang isang truck. Nagpatugtog pa rin sila ng graduation march at mayroon din silang audio visual habang nagmamartsa ang tatanggap ng award at certificate.

Ayon sa paaralan, nakipag-ugnayan muna sila sa barangay bago isinagawa ang graduation. Wala rin daw ginastos ang mga mag-aaral dahil ginastusan ito ng kanilang paaralan sa pamamagitan ng kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE). Binisita rin ng paaralan ang bahay ng kanilang mga estudyante upang ipaalam sa mga bata at mga magulang. Sinabihan nila na dapat pa ring masunod ang social distancing at pagsusuot ng face mask. Samantala, binati naman ng mga netizens ang mga mag-aaral na nakapagtapos dahil ayon sa mga komento ay kahit tila kakaiba ang ginawang awarding ceremony ay iisa parin ang makikitang emosyon katulad ng sa normal na graduation rites.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *